Nasaksihan natin sa katatapos na halalan ang mga unang pangyayari sa kasaysayan ng eleksyon sa maraming lugar ng Pilipinas.
Sa matagal na panahon sa ika-apat na distrito ng Lalawigan ng Quezon, ang tunggaliang elektoral ay napanatili sa isang antas na nakapokus sa pagtalakay ng mga isyu at plataporma ng mga kandidato. Subali’t ito ay nagbago na sa katatapos na halalan.
Hindi inaasahan ng maraming tagapagmasid na gagamit ang mga Tañada ng mga taktikang madumi tulad ng panlilinlang sa Mamamayan, paninirang black propaganda sa katunggali at maramihang pagbili ng boto upang mapanitili ang kanilang pamilya sa poder ng kapangyarihan.
Sa pakikipagkutsabahan sa district engineer na si Ronel Tan, ang mga proyektong pambansa ng DPWH ay nilagyan ng karatulang “Project of Cong. Erin Tañada”. Isang maliwanag na pangloloko sa taumbayan upang paniwalain sila na may tunay na ginagawa si Tañada.
Nagpalaganap ng mga gawa-gawang kaso sa katunggali. Inakusahan ng rape at may kinalaman sa pagpaslang sa isang kandidato ang katunggali ng mga Tañada. Isang bagay na nakakahiya dahil hindi ito ang tatak ng pulitika ng pamilyang ito. Kailangan nang magsinungaling at manira ng mga Tañada upang manalo lamang?
Sa bayan ng Lopez, Calauag, Guinyangan, Tagkawayan at Atimonan ay halos bumaha ng sobreng may lamang tig-limangdaang piso (P500) na pinamimigay sa mga maralitang komunidad kalakip ang sample ballots ng mga Tañada.
Sa pinakahuling kwenta ay nananalo si Erin Tañada sa bilangan sa pagka-kongresista ng ikaapat na distrito ng Lalawigan ng Quezon. Tiyak na daw ang kanyang panalo.
Subali’t siya lang ang nanalo dito sa dulo ng Quezon. Talo ang mamamayan sa kanyang maruming pulitika. Nasira na ang magandang tradisyon ng pulitika ng pagbabago at tunay na programa. Magtutuloy-tuloy na tiyak ang maruming pulitika at pulitika ng pera sa lalawigang ito.
At ang mga Tañada ang dapat sisihin dito!